taong 1949, setyembre 21, nang isilang ako sa bayan ng lopez, lalawigan ng quezon. pangalawa ako sa pitong magkakapatid, apat na babae at tatlong lalaki. mayroon pa pala akong panganay na kapatid na namatay noong dalawang taon palamang siya sa sakit na pulmonya. dalawang beses nakunan ang nanay ko, kaya kung buhay lahat, 10 kaming magkakapatid.
noong maliliit pa kami tumira kami sa tagkawayan, quezon dahil doon nagtatrabaho ang tatay ko na isang mekaniko. wala na akong gaanong matandaan sa aking kamusmusan. ang naaalala ko lamang ay noong mula sa tagkawayan ay isinasama ako ni lelang sakay ng tren na pumupunta sa lopez. si lelang ay nanay ng nanay ko, ang asawa niya ay isang notaryo publiko. noong araw, kapag notaryo publiko ka ay para ka na ring abugado (sa tingin ko). ang dami kasing nagpupunta sa bahay namin. may mga inaasikasong kung anu-ano. meron siyang upisina at may makinilya at mga papeles na nakapatong sa mesa.
maliit lang ang sweldo ng tatay ko sa pagiging mekaniko at madalas ay wala siya sa aming bahay. lumipat kami sa lopez muli dahil kapisan kami ng lelang ko, at nadestino na ang tatay sa kalapit na bayan. lingguhan siya kung umuwi sa amin. nag-iisang babae si nanay kaya kapisan namin sina lelong at lelang. madalas ay tumutulong sila sa amin sa pang araw araw na gastusin sa bahay. may kaunti rin kasing lupang sinasaka na may tanim na palay at niyog ang mga matatanda.
malaki ang naging impluwensiya ng lelang ko sa amin, masyado siyang mahagasin at istrikta. madalas siyang nagagalit kapag nagkukulitan kaming magkakapatid. ayaw niyang nasa labas pa ng bahay kapag malapit ng dumilim sa hapon. ayaw din niya na palagi kaming namimintana ng matagal. magkaganoon man, masyado siyang over protective sa lahat ng bagay.
sa murang gulang ay naiisip ko na ang kakulangan namin sa maraming bagay. naging mahagasin na rin ako tulad ni lelang. sa tuwing malalaman ko na madadagdagan na naman kami ng kapatid, lihim akong naiinis kay nanay. sa paano’y hindi nga kami makapaglaro tulad ng ibang bata dahil kailangan naming alagaan ang aming mga maliliit na kapatid. labis akong naiinggit, habang binabantayan ang mga bunsong kapatid, habang nanonood sa paglalaro nila ng patintero (tubigan), taguan, luksong tinik at kung anu ano pa.
nagsimula akong mag-aral ng grade one sa paaralang pampubliko nang ako ay anim na taong gulang na. (hindi pa uso noon ang kinder o prep at wala rin namang private school noon). hindi sa pagbubuhat ng sariling bangko, lagi akong nasa section one hanggang makatapos ako ng hi school. sa loob ng anim na taon sa elementarya, labindalawang ribbon ang naikabit sa akin dahil palagi din akong nasa honor roll, dalawa kada taon. ang isang ribbon ay karangalan para sa paaralan namin at ang isa ay sa pangkalahatan, sa lahat ng paaralan sa buong bayan. marami kasing paaralan sa ibat ibang dako ng bayan, kasama na doon ang mga nasa baryo. eto ang isang biyaya ng Diyos sa aming pamilya dahil halos lahat kaming magkakapatid ay pawang ganito ng magtapos. mahusay din akong bumigkas ng tula noon, minana ko ito sa lola ko na ina ni tatay. bukod kasi sa husay niyang bumigkas ng tula ay kumakatha pa siya nito.
sa kabila ng mga karangalan at pagbigkas ng tula sa entablado, lagi akong under pressure. kailangan kong laging matalino, dahil nakakahiya sa kanilang lahat. ang alalahanin na baka hindi ako magkamit ng karangalan. dama ko na rin noon ang kakapusan namin sa maraming bagay, parang laging kulang ang baon kong dies sentimos o di kaya bente. nakikita ko kasi ang mga kaklase ko noon na maraming baon. ngunit pagdating sa pananamit, lagi kaming maayos dito. si nanay ay isang modista na paminsan minsan lang naman tumatanggap ng tahiin, ngunit pagdating sa amin, ah lagi niya kaming itinatahi buhat sa mga lumang damit ng irerepair niya na nanggaling naman sa aming tiyahin na nasa maynila o di kaya ay buhat sa mga salvage na bestida(ukay-ukay ngayon) na gagawin niyang parang bago. tuwing pasko lang kami naibibili ng bagong sapatos katerno ng bagong repair na damit. masaya na kami noon. naaalala ko pa noon, tuwing disyembre, tag-ulan sa amin, siyempre maputik at nanghihinayang ako na itapak sa putikan ang bago kong sapatos.
ang buhay sa hi school, ah isa ito sa exciting na bahagi ng nakaraan. kasama ko pa rin ang mga dati kong kaklase at nadagdagan pa ng mga galing sa karatig bayan. dito ko naranasan ang maraming una sa aking buhay. masaya ang mga karanasan sa puntong ito, iba iba na ang pinagkukwentuhan, lumalawak ang mga kaalaman. iba iba na ang mga teachers, hindi katulad ng elementary na isang taon isa lang. madalas ay naikukuwento ng kapatid ko na mas bata sa akin, kung paano ako niligawan ng hindi iilang kababata ko sa amin. para akong bulaklak na lagi na lamang maraming paru parong aalialigid (he he) . at dito naman galit na galit ang aking nanay at lelang. madaming bawal. takot sila noon na ako ay maligawan, akala nila mag boboyfriend na agad ako. alam ko naman ang isa sa mga dahilan, panganay kasi ako sa babae, lalaki ang panganay namin. kailangan kong magtapos kasi tutulong ako sa pagpapaaral sa iba ko pang kapatid.
si kuya ang kapatid kong panganay, nais niyang mag engineer, mahilig siya sa electronics, sa mga butingtingin. pero nang matapos siya ng hi school hindi pwede, kasi hindi kaya nina nanay ang engineering. magteacher na lang daw kaya pumasok siya sa pnc sa maynila. nakitira siya sa makati, sa lola uding namin na kaisa isang kapatid ni lelang.
nang nasa fourth year na ako, hindi na ako tinanong o nagkaroon ng ambisyon sa ibang kurso maliban sa maging guro din. nang malapit ng magtapos, may isang grupo mula sa pnc na mag iinterview sa kung sino ang gustong maging guro at marami sa amin ang sumubok at isa na ako roon. siempre nakapasa naman ako at tuwang tuwa sina nanay. pagkatapos, lumuwas kami sa lucena para sa entrance exam.nakapasa rin ako. yoon ang dahilan kung bakit ako naging guro.
taong 1966, lumuwas na rin ako ng maynila para sa kolehiyo. ipinisan din ako sa makati. mabait sina lola uding kahit may pagkaistrikto si lolo tito, ang kanyang asawa. kailangan kaming makisama, gumising ng maaga at tumulong sa mga gawaing bahay. yaon ang una kong pagkahiwalay sa pamilya ko, at talaga namang lungkot na lungkot ako. sa simula, may mga gabing umiiyak ako sa gabi sa aking higaan. hindi ako nasanay matulog sa ibang bahay, kahit minsan hindi ako pinayagan nina lelang at nanay na mangibang bahay. dahil nga medyo hindi sapat ang pangangailangan naman, hirap na hirap ako sa pagbabadyet ng pera. naranasan ko pa ang diyes sentimos na pamasahe sa jeep, pagkaraan ng isang buwan naging kinse sentimos na ito. ang baon ko sa araw araw piso lamang. pinagkakasya ko na ito, nagbabaon na ako ng kanin at kung anong natirang ulam sa almusal. bumibili na lamang ako ng sopas sa kantina ng paaralan.
sa pnc, lalo kong naramdaman ang inferiority complex. galing palibhasa sa probinsiya, kaya kasama ako sa mga promdi. maging sa mga recitations o reporting sa harap ng klase, hiyang hiya ako. patuloy naman akong pinuputakti ng mga nanliligaw sa akin. mahigpit ang paalala ng nanay at lelang ko, huwag na huwag magkamaling maki pagboyfriend. marami akong karanasan tungkol dito, marahil sa ibang sanaysay ko ito isusulat.
nakatapos ng kolehiyo si kuya, kaagad siyang nakapagturo sa pio del pilar elementary school. nakapasa kasi siya sa competitive exam, may mga kakilala din na guro sina lola uding sa paaralang nabanggit. tuwang tuwa siyempre sina nanay dahil doon.
taong 1970 nang ako naman ang magtapos sa pagiging guro. noon ay inimbitahan kami ni lola uding na tumira na sa lumang bahay nila sa compound din sa makati. hindi nila kami pinabayad ng upa. malapit na rin kasing mag sipag aral ng college ang iba ko pang kapatid. isang malaking trak ang inupahan namin na maghakot ng aming mga gamit. isa ito sa malaking pagbabago sa aming buhay, ang lumipat kami ng tirahan, mula probinsiya papunta sa lunsod.
katulad ni kuya, nakapasa agad ako sa competitive exam ng taong iyon. nakuha ko ang pangalawang pwesto sa pinakamataas. una akong na assign sa bangkal 1 sa may evangelista. natatandaan ko pa ang principal ko noon ay si mr. atal. pagkaraan ng ilang buwan, sabay naman kaming nakapasa ni kuya sa board exam para sa mga guro. noon naging ganap na akong guro. ang buwanang suweldo noon ay mahigit na dalawang daang piso lamang.
magkatuwang kami ni kuya sa pagtulong kina nanay sa pag-papaaral sa iba naming kapatid, hanggang makapag asawa na siya at hindi na kami natulungan. si loty ang sumunod sa akin ay kumuha ng kursong custom administration sa PMI. si nestor ang sumunod ay electrical engineering sa National U. si mayet ay nursing sa lucena. si coy ay foreign service sa lyceum u. at ang bunso si junjun ay architecture sa ust. magkakatulong kaming magkakapatid sa pag papaaral sa kanila, sa tulong din ng maliit na sweldo ni tatay. paminsan minsan, nakakatanggap din ng tahiin si nanay, at noong nabubuhay pa si lelang nakatulong din sa amin. namatay si lelang ng taong 1970, nagsisimula na akong magturo noon.
masayang mahirap ang mga panahong yaon, ng pag aaral naming lahat. marami ring kwento, marami rin kaming nakapisan na mga pinsan, kaibigan, ibang kamag anak na nakitira rin sa makati. palaging maraming tao sa bahay, masarap balikan ang mga alaala. marami rin kaming pictures ukol dito.
sa kasalukuyan, matatanda na sina nanay at tatay, kapwa 83 taong gulang. nasa quezon sila ngayon at kasalukuyang nagpapagaling si nanay. may kani kaniya na kaming pamilya maliban sa dalawang lalaki. magkakalayo na rin ang aming mga bahay. tuwing pasko nagkikita kita pa rin kami o kung kaya ay may ibang okasyon.
si kuya noly, matapos magretire bilang guro ay naisipang muling magturo sa pio. ang asawa niya ay retired na guro rin. ang panganay nila si kit ay may asawa na rin at immigrant na sa canada. si cristine, ay nars, may asawa na rin at nasa america. si christian ang bunso, nag-aaral pa sa st. benilde.
si loty ay sekretarya ng may ari ng maraming negosyo sa greenhills. ang napangasawa niya ay taga lopez din, si caloy at nagtatrabaho sa antipolo. ang panganay nila si louie, nagtatrabaho sa supreme court at nagpapatuloy ng pag aaral tuwing weekend para maging abugado. si lawrence, second year college nursing.
mataas na ang katungkulan ni coy sa central bank, pero nagpunta pa rin silang mag anak sa canada. si ram ang asawa niya ay nakilala niya sa makati. isa na siyang proffesor sa isang kolehiyo sa canada. umalis sila noong july 2008. ang dalawa nilang anak, chinchin at josan ay kapwa mga high school pa lamang.
si nestor ay binata pa hanggang sa ngayon, nagtatrabaho sa parehong kompanya ni lottie sa greenhills, bilang maintenance engineer doon. dito siya umuuwi sa cavite minsan sa isang linggo.
tanging si mayet, ang naiwan sa lopez, si marvin kasi na asawa niya ay doon naglalagi,(mabuti naman) dahil may napupuntahan kami doon kapag umuuwi. sa tagkawayan pa siya nagtatrabaho bilang nurse. ang dalawa nilang anak, si jillian at jeselle, kapwa nag aaral sa pup sa lopez.
si junjun ang pinakabunso ay nasa dubai, magtatatlong taon na. binata pa rin siya hanggang ngayon.
kami ni willy, pareho nang retirado. ang panganay naming si may ay isang pharmacist, at nagtatrabaho bilang medical transcriptionist. pareho sila ni jesse, ang kanyang mabait na asawa, na isa namang nurse na may ganoon ding trabaho. si joy, na dalaga pa ngayon ay nasa singapore, nakadalawang taon na roon. si kaye ang bunso ay isang guro sa pre-elem, nagtuturo sa araw sa las pinas, at sa gabi ay nagpapart time din bilang med transcriptionist.
at siyempre ang joy of the family ay ang aming kaisa isang apo na si kiko. Raphael ang tunay niyang pangalan. mahigit na siyang dalawang taong gulang. siya ang nagbibigay ng sigla sa aming lahat, makulit na kasi at matalino pa at higit sa lahat guwapo.
habang binabalikan ko ang mga pangyayari sa buhay namin, mas marami pang karanasan, kwento sa kabila ng mga taong nagdaan. sa bawat araw na lumipas may mga bagay na hindi ko maisatitik. kung iisa isahin ko kasi napakahaba na nitong sanaysay na ito. may masaya, may malungkot, may exciting, may boring, iba iba, sari sari.
sa kabila niyon, alam ko na kami ay nagtagumpay. masaya kaming nabubuhay ngayon. sa mga nagdaang panahon, ang Diyos ay palaging nakasubaybay hindi kami iniwanan. alam ko ang lahat ng naganap sa aming buhay ay sa tulong Niya. salamat sa Kanyang pagmamahal, salamat sa talino na ipinagkaloob sa aming lahat, salamat sa kalakasan na bigay din Niya. salamat sa lahat ng taong ipinadala Niya sa aming lahat upang kami ay gabayan at tulungan. salamat sa LAHAT LAHAT. sa huli, sa Kanya ang kapurihan at kaluwalhatian! nawa’y patuloy Niya kaming gabayan hanggang sa huling sandali ng aming mga buhay.!