hindi ko alam kung kailan at kung paano nagsimula ang tiangge sa bayan namin. basta hanggang sa kasalukuyan patuloy na tuwing araw ng biyernes, linggo at martes ay may tiangge sa palengke. sa tatlong araw na nabanggit, pinakamaraming tinda tuwing biyernes.
tuwing uuwi kami ng lopez, isa ito sa bagay na laging ginagawa namin, ang magtiangge. totoo namang malaki ang kamurahan kung ikumpara mo sa presyo sa loob ng palengke kapag hindi tiangge. dumarayo kasi ang mga magtitinda mula sa iba ibang baryo at mga negosyante mula sa ibang bayan. pati ang mga magsasaka na may mga tanim na gulay ay nag aalok din ng paninda sa tiangge.
hindi ko maiwasang malungkot kapag namimili na akong mag isa (minsan hindi ko kasama si willy). naala ala ko na naman si nanay. palagi kaming magkasama noon sa pagtitiangge, sa kanya ko namana ang hilig dito. marami siyang alam na lutuin na hindi ko maluto, magaling din siya sa tawaran. noong kasama ko siya, kabilang sa mga binibili namin ang sikdot (isang uri ng lokal na mushroom na tumutubo sa mga sanga ng puno tuwing tag-ulan), dalungyan o kamansi, lagikway, kanas o bihod(itlog ng isda), dinailan(paborito ni coy at lottie, balaw na buo ito) at marami pang iba.
ngayon, sa tuwing uuwi kami sa lopez, lagi akong namimili sa tiangge. pinipili ko ang mga gulay at prutas na hindi kaagad masisira o mabubulok. dito na rin ako namimili ng baboy, isda at hipon. inilalagay namin sa cooler at pinupuno ng maraming yelo. mas masarap ang karneng baboy, isda at hipon na dito binili, sabihin pa na mas mura ang mga ito.
No comments:
Post a Comment