Friday, April 11, 2014

ANG ROSAL.....

Gardenia din daw kung tawagin. Maraming alaala ng nakaraan, noong aking kabataan.
May malaking puno nito sa gilid ng aming bahay. Masipag siyang mamulaklak, halos araw-araw.
Naaalala ko si Nanay, namimitas siya tuwing umaga bago ako pumasok sa paaralan. Elementarya pa ako noon, pinapadala niya sa akin, dalhin ko daw sa titser, para ilagay sa mesa. Ayaw na ayaw kong dalhin ito, isip ko sumisipsip ako sa titser, baka pagtawanan ako ng mga kaklase ko. Hanggang minsan kapag ayaw kong magdala, nakukurot pa ako ng nanay ko. 
Tuwing buwan ng Mayo, nag aalay kami sa simbahan tuwing hapon. Suot ang puting damit at bit bit ang basket na puno ng pinitas na kung anu anong bulaklak, may puting belo sa ulo at may pumpon ng rosal na ilalagay sa Birhen ng Rosario.
Nakahiligan ko nang magtanim ng mga halaman sa aming maliit na bakuran sa ngayon, minsan sa aming pag bili ng mga pantanim sa Tagaytay, naisipan kong bumili ng rosal. Matagal ko na sya ng inaalagaan, kinainipan ko nang mamulaklak. Isang umaga, nakita ko na siyang namukadkad. Inamoy ko ang mahalimuyak nitong bango. Muli, naalala ko ang aking kabataan, ang aking. Nanay, ang buwan ng. Mayo..... Ang rosal...bow...

Wednesday, February 26, 2014

A Week Spent in Lopez

Marami ng beses nagtanong si Mommy at si Tatay kung kailan daw kami uuwi sa Lopez. Hindi naman kami makasagot agad agad dahil may mga gawa din sa Cavite. Kaya nang medyo mabakante kami ni willy, nagplano na kaming umuwi noong sabado. Madilim dilim pa nang daanan namin si mommy sa Wood estate, tuloy sa Gardenia at doon naman ay nakaabang na si Tatay. Ang siste nga pag ganitong bibiyahe halos hindi na natutulog ang mga ito sa excitement siguro. Pareho na sila ng 89 years old. Nakisabay din sa amin si sis Bing na tiyempo naman na maghahatid ng gamot ng pamangkin, kaya bale lima kami sa crv. Alam ko masaya ang 2 matanda kapag ganitong uuwi sa quezon. Sa daan pa lamang, titigil kami sa tabi ng daan na may naglalaga ng puting mais at iyon ang bale almusal namin. Pagdaan sa may San Pablo, bibingka naman ang paboritong merienda namin. Halos anim na oras ang itinatagal ng biyahe, (may ilang beses ding titigil sa mga gasolinahan upang magpunta sa cr. Oras ng pananghalian, tumigil naman kami sa Lolo Ompo, isang kainan sa may tabling dagat sa Siain. Adobong pusit, dinuguan, sinaing na tulingan, at binagoongang baboy na maraming sili, mainit na sabaw at isang bandehadong kaning parirotong. Ang minatamis ay polvoron at yema. Pag dating sa Lopez eh di busog na kami, wala kasi kaming dadatnan sa pare hong bahay. Sa calle Anda, wala si Mayet, at si Marvin naman ay madalas sa linang. Sa bahay ni Mommy Ning, nagkakatao lamang kung kami ay pupunta.
Linggo, nagtiangge muna kami ni Willy, tapos sumimba sa hapon. Nakakainip sa buong maghapon, unang araw pa lamang, gusto ko nang umuwi. Walang tv, walang radyo. Buti na lang at mayroon ako nitong iPad , games at movies na down load ni Joy. Miss namin ang Facebook , wala kasi ng internet siempre. Ang dalawang oldies, pasyal na sa sementeryo upang dalawin si Nanay at si daddy Wil. Isa ito sa dahilan kung bakit gusto nilang umuwi. Alas siete ng gabi, tapos na kaming maghapunan, handa ng matulog. Malamig ang simoy ng hangin dito, para kaming nasa Baguio, at paminsanminsan umuulan. Taliwas sa klima sa Cavite.
Pang-apat na araw na namin ngayon, sa Huwebes pa sana ang balik naman, pero napagpasiyahan namin na umuwi na bukas. Marahil naman ay okay na ang pagbabakasyon ng aming mga magulang. 
Pagkatapos ng paglalakad sa Lopez High kaninang umaga, tumuloy kami sa Elementary  school, tapos dumaan kay Tatay sa Calle Anda. Martes ngayon at tiangge, kayat namili kami ni Willy ng mga gulay at halamang pantanim sa palengke. Isa ito sa nakagawian namin, ang mamili sa tiangge. May kamurahan ang mga bilihin. Bukas ng maaga, mamimili naman ako ng Isda at karne, ilalagay sa cooler na maraming yelo.
Maaga pa lamang lumakad na ako upang mamalengke, habang si Wiily ay naggagayak ng mga dadalhin. Daing na kalaso, bukawin, tinapang galunggong at dilis, sariwang matalos, hi was, bukawin, talimago, hipong katamtaman ang laki, at iba pang Isda na doon ko lang madalas mabili sa Lopez. Dumaan din ako para bumili ng paboritong tikoy ni kiko at sumang malagkit.
Mag alas nueve na ng umalis kami. Dumaan sa isang karinderia sa atimonan para magmeryenda ng chami at miki bihon at ang Suman na dala namin. 
Sira ang ibang bahagi ng daan, maraming inaayos, nkatuwaan naming bilangin ang mga nag one way, na may karatulang This Way, sa maniwala kayo at hindi, 54 lahat. 
Siempre hinto rin kami sa Villamater sa Sariaya para naman sa mga pasalubong. Longganisang lukban, polvoron, pan de coco, shing a ling, uraro, mani at jacobina.
Nakakapagod ang maghapong biyahe, pero masaya naman, siempre mas masaya ang mga kasama naming super seniors, kami ni willy medyo junior senior he he he. Inihatid na muna namin sila sa kani kanilang bahay bago kami umuwi sa cerritos.

Wednesday, February 5, 2014

DIARY OF A DIABETIC

July 2003 - Ito yong taon na una akong na diagnose na mataas ang blood sugar. Naalala ko pa ang doctor ko noon ay si Dr. Deala. Siya ay speaker namin noong nagsisimula pa lamang kaming mag aatend ng formation seminars sa Holy Family. Sa Las Pinas DoctorsHospital ako una nagpacheck up.  Ang blood sugar ko noon ay 15.  Sobra ang takot ko nang malaman ko na nakalinya ako na maging diabetic. Marami akong nababalitaan na nangyari sa mga kakilala ko, kaibigan at iba pang tao na nagkaroon ng mga komplikasyon na nagiging sanhi ng pagkamatay. Nanibago ako sa dami ng mga gamot na reseta, at iba ibang laboratory tests na pinagawa. Ang daming bawal na pagkain.

Jan. 2004 - kumunsulta ako kay Dra. Acampado, isang diabetologist sa Casa Medica, sa payo ng isa ng kaibigan. nagpapacheck up ako regularly, my fbs seemed not to go down. She advised me to have my insulin injection, if in case pagbalik ko for the next check up ay hindi pa nagnormal.

Sept. 2004 -  sa takot kong maging insulin dependent tulad ng sabi ng pangalawa kong doktor, punta naman ako sa makati medical center, sa doktor ni kuya noly (na diabetic din) kay Dra. Divinagracia.
Mahabang biyahe sa tuwing magpupunta kami sa makati, sobrang nakakapagod at medyo magastos sa pamasahe. Matagal din akong nagpabalik balik doon, commute kami ni willy pag pumupunta doon. Umayos naman ang mga lab tests ko.
Sa tuwing umuuwi kami sa lopez, nagpapalab test ako, minsan sa St. Jude, minsan sa Alfuerte Clinic.

Sept. 2006 - pagkaraan ng 2 taong pagpapa check up sa makati, napagod na kami ni willy at naisipang maghanap ng mas malapit na doctor. napunta ako sa Las Pinas Medical Hospital. walang rekomendasyon, naghanap lang kami ng diabetologist na duty that time. si dr. gabriel tan naman ang naging doctor ko. 
tila hindi naman nagbabago ang blood sugar ko, pati blood pressure.

Feb. 2011 - this time kay dra. aniceto ng Molino Doctors Hospital ako pumunta. dami niyang pasyente, haba ng pila, at sa dami ng pasyente, halos konting oras na lang ang nauukol niya sa pasyente. 

Sept. 2011 - maluto clinic sa pag-asa molino. pacheck up ako dahil sa frequent uti kay dra. chincuangco, isang pulmonologist. hindi siya diabetologist ngunit mahusay naman siyang magreseta ng gamot. maging si lottie, si tatay at si willy nagpakonsulta na rin sa kanya. ito ay sa iba ibang pagkakataon.
Siya ang nagsabi sa akin na magpa cityscan ako, at doon ay nalaman na may diffuse fatty liver na pala ako. may araw kasi na medyo masakit ang tiyan ko.

Oct. 2011 - inirekomenda ni dr. ching na magpunta ako sa isang gastro-internist upang maagapan ang aking fatty liver, at kay dra. Masa ako napunta sa casca medica sa southmall.

May - 2013 - bagong hospital sa molino na di kalayuan sa amin, muli ay ipinasiya naming mag asawa na doon na magpakonsulta. diabetologist din, medyo bata pa, si dra. chielo perez. 
Marahil ay magtataka ang babasa nito, bakit kaya palipat lipat ako ng doctor, hindi ako makuntento sa iisa. Maraming dahilan. Una nga ay ang minsan ay sobrang layo ng ospital o klinika, yoong iba naman parang hindi ko maramdaman na may concern sa pasyente, merong parang laging nananakot sa posibleng mangyari. yong tipong lahat ng bagay na ginawa mo mali sa kanya. meron din na sa simula parang may TLC, habang tumatagal halos di ka na tingnan, record ko na lang ang tinitingnan, kung tumaas ba o bumaba ang fbs ko. araw araw kasi akong nagtatala ng aking fbs at bp. nawawala tuloy ang tiwala ko sa kanila.

Jan. 2012 - sa paglipas ng mga araw, may mga nararamdaman akong panghihina, minsan madaling mapagod sa konting paglalakad. minsan naman sobrang baba ng blood sugar o hypo, minsan sobrang taas. ang bp ko, taas baba rin. may araw na constipated, madalas di mapagkatulog.  nagmomonitor ako ng fbs at bp dahil meron akong pangtests ng mga ito. salamat sa anak ko na bumili ng mga ito para sa akin.
isa sa libangan ko ay makinig ng radyo. isang gabi habang nakahiga ako at nakikinig, nalipat ko sa programa ni manang rose sa dzbb. maraming patototo sa mga pasyenteng may diabetis, fatty liver atbp. pinuntahan namin ang Lizada clinic na nagbebenta ng gamot na may ginseng tea daw. matapos makinig sa libreng seminar, halos ilang buwan ko ding sinubukang uminom nito. mayroon ding programa tuwing umaga 8am to 9am. dr. jaime galvez tan, isang herbalist doctor siya. isa rin si dr. gary sy , isang geriatic doctor. sa aking madalas na pakikinig sa kanila, inililista ko ang kanilang mga payo at mga kaukulang gamot sa iba ibang sakit. karamihan sa payo nila natural medicines, herbal products. may isa pa pala akong pinapanood sa tv, ito ay healing galing kay Dr. edenil calvario.
hanggang ngayon matiyaga pa rin akong nakikinig, nanonood sa tv sa kanila. patuloy na naghahanap ng kagalingan sa aking nararamdaman. alam ko, una ay ang Panginoon, pangalawa ay ang mga instrumentong gumagabay upang maging normal ang aking katawan.
may mga tanim na kami ng mga halamang gamot na akin pinipitas tuwing umaga at siya kong iniinom na supplement bukod sa mga gamot na reseta ng doctor. hallimbawa nito ay ang mga dahon ng  avocado, sambong, pandan, malunggay, luyang dilaw at luyang puti. ito ay inilalaga at iniinom ko na parang tsaa sa umaga at sa gabi. Bukod dito ay ang halamang serpentina, sobrang pait sampung dahon sa isang basong mainit na tubig na iniinom din. pinalalago ko ito sa aking garden sa ngayon.

kapag tinitingnan ko ang record ng aking mga gamot, mga laboratory  results, pangcheck ng blood sugar, isama pa ang mga pagkaing tulad ng brown rice, red rice, black rice, wheat bread, mga biscuits, mga prutas, at gulay na angkop sa tulad ko, malaki laki na ring halaga ang lahat ng ito. sampung taon na akong ganito. minsan nakakapagod at nakakasawa, ngunit dapat hindi.
napakabuti ng Panginoon, hindi Niya ako pinabayaan, salamat sa mga anak ko, lalo na kay Joy, at siempre kay Willy na lagi lagi nandiyan sa aking tabi.

Looking back, marahil, kung hindi ako naging pasaway noong mga unang taon ng aking karamdaman, kung sinunod ko lahat ng dapat at hindi dapat, mas  okay sana. namulat ako nitong bandang huli na. ngunit hindi pa huli ang lahat. alam kong ang Diyos na sumusubaybay sa akin ang siyang doctor ng buhay ko. hindi nya ako pababayaan. 



 
Designed by Lena Graphics by Elie Lash