Ilang beses ko na bang sinubukang isulat ang topic na ito, hindi ko maisip kung paano ko sisimulan. Ngunit nais kong gawin, nais kong mabasa nang marami kung paano kami naglakbay, sa bawat tahanan na aming tinirhan, nilipatan, mula noong pagkabata hanggang sa kasalukuyan. Masarap balikan ang nagdaang panahon, maraming behind the scenes ika nga, alam ko sa mga kapamilya at kaibigan ko na makakabasa nito makakarelate kayo.
1949- Isinilang ako sa Lopez,Quezon sa Calle Anda. Sa pitong magkakapatid anim kaming sa tahanang ito pinanganak.Si kuya ang panganay ay sa Tagkawayan isinilang.. May kalakihan naman ito kesa kubo dahil nakaangat sa lupa ng may kalahating metro, silong ika nga. May mga bintanang pawid na may tukod ng kawayan upang mabuksan, sahig na kawayan sa kusina at kainan, kalan na abuhan na panggatong ang kahoy, may batalan sa gilid ng kusina. Sa gilid ng bahay ay may mahabang balkon na may pasamano na maraming paso na punong puno ng bonggabilyang may sari saring kulay.
Tanda ko na noong nasa elementarya kami, unti unti itong ipinaayos sa tulong ni lelang at sa trosong ipinahakot ni tatay mula sa Calauag (sa sawmill kasi siya nagtatrabaho). Matagal bago nabuo ang bahay na ito, high school na kami hindi pa rin ito gaanong tapos. Ito ay may kalakihan, dalawang palapag, dalawang malaking kwarto, at dalawang salas. Sa simula wala itong sariling banyo at cr. Malayo layo ng konti, (isang topic na madalas naming nakakatuwaang pagkwentuhan, nakakahiya lang dito isama). Natatandaan ko, maraming okasyon ang ginanap sa bahay na ito, kasalan, binyagan, pamanhikan, tuluyan ng mga kakilalang taga linang, marami ding naiburol na patay. Tumira din dito ang mga pinsan namin na nag aral ng kolehiyo dahil sa ibang bayan sila naninirahan. Hanggang ngayon andoon pa rin ang bahay na ito, tanging si Mayet na lang at pamilya niya ang nakatira dito. Kapag umuuwi kami sa probinsiya napapagawi kami doon. Ancestral house daw sabi ni tatay. Para sa aming lahat, walang mag isang magmamana.
1970- Isang malaking pagbabago sa buhay namin na talagang tinatanaw naming malaking utang na loob ang pag yaya sa amin nina lolo tito at lola uding na tumira sa Makati sa luma nilang bahay sa Balderama st. Halos 30 taon kaming nakatira doon ng libre, sa compound nila. Dito nakatapos kaming lahat ng pag aaral mula hischool hanggang kolehiyo. Dito namin unti unting binuo ang aming mga pangarap, hanggang isa isa na kaming nagkapamilya. Masaya ang mga araw na iyon sa Makati, kabataan kasi, marami din kaming kamag anak, kaibigan na nakitira sa amin.
Ang mga susunod na taon ay ang aking paglalakbay sa buhay may asawa.
1975- Disyembre ng taong ito kami kinasal sa Bago Bantay, Quezon City at doon na rin namin napagpasiyahang manirahan kasama ng mga in laws ko. Di naman kami nagtagal, lumipat kami sa Makati, may kalayuan ang biyahe ko sa paaralang pinagtuturuan ko noon.
1976- Sa Bangkal, Makati sa isang apartment , kasama ang isang pamilya na may apat na anak kami tumira. Masikip sa iisang kwarto pati mga inlaws ko kapisan namin. Doon ko ipinaglihi ang panganay namin na kung saan ay nakunan ako sa pang limang buwan ng pagbubuntis.
1977- Nagdalang tao ako kay May, medyo maselan ang paglilihi ko at sa takot naming muling makunan, naisipan namin na pumisan kina nanay sa Balderama, muli sama sama kaming magbibiyenan. Sa tapat ng bahay namin may paupahang apartment sina aling Betty at sa kagustuhan naming magsarili, lumipat kami doon. Apat na daang piso ang upa, noong panahong iyon nabibigatan kami sa badyet kaya muli na kumuha kami ng kapisan sa kabilang kwarto. Nagkakasya kaming matulog na anim sa maliit na kwarto, ang mga biyenan ko,hipag, bayaw at kaming mag asawa, nadagdag pa si May na isinilang ng taong iyon.
1978- Nahikayat kaming bumili ng lote sa Las Pinas, na hinuhulugan namin kada buwan, para makatipid, muli ay lumipat kami sa tapat bahay kina nanay. Naging dalawa na rin ang anak namin, si Joy taong 1979. Sumunod na rin si Kaye noong 1981
Nagsimula na ring gawin ang bahay namin sa Manila Doctor Village sa Las Pinas, sa tulong ng SSS loan.
1981- Hindi naman kalakihan ang tahanan namin sa MDV at hindi pa rin gaanong tapos , sabik kaming lumipat dito. Ngayon hindi na sumama ang mga biyenan at hipag at bayaw ko. Nagkaroon na rin sila ng pamilya at umupa na rin sila ng sariling bahay sa Makati.
1984- Ipinasya ni Willy na makipagsapalaran sa Saudi, nahirapan kami sa pinansyal na pangangailangan. Nagsimula nang mag aral ang mga bata, may hinuhulugang lupa at marami kaming utang. Muli bumalik kami sa Makati, malapit sa pinapasukan kong school at sa school na rin ng mga bata. Nababantayan na rin sila ni nanay. Pinaupahan namin ang bahay sa MDV.
1991- Natapos ang kontrata ni Willy sa Saudi, muli balik Las Pinas kami. Ang kaunting pera na naipon ginamit sa paggpapaayos at pagpapalaki ng bahay.
1996- Maraming pangyayaring naganap sa buhay namin, sa mga nakaraang taon, kinailangan naming iwan ang MDV at lumipat sa Gardenia Valley Blk. 26. Ito naman ay ang tahanan namin na bigay ni Lord.
1997- Balik MDV at nagtayo ng Learning Center dito.
2002- Muli bumalik kami sa Gardenia Valley sa Blk 16 lot 3. (Nang simulan kong isulat ang blog na ito, dito ito nagtapos. Ang akala ko hanggang dito na lang, ipinagpasalamat ko na sa Diyos ang aming paglalakbay. Halos sampung taon na kaming nanirahan doon kasama si nanay , tatay ang panganay naming si May at Jesse, at si kiko ang aming apo. SiJoy at Kaye kasi nasa ibang bansa nagtatrabaho)
2011- Hindi ko malilimutan ang May 17, sa taong ito. Bukod sa bday ni Willy ito rin ang araw na lumipat kami sa pinangarap kong bahay. Ito na ang tahanan namin sa kasalukuyan. Sa araw ng paglipat namin, isang trak na puno ng mga bagong appliances ang ibinaba sa bagong bahay namin. CERITTOS HEIGHTS Daañg Hari, Molino Bacoor Cavite, ito ang bagong address namin.
Ito ang tahanang ipinatayo ni Joy para sa amin. Ngayon masaya kaming namumuhay sa aming magandang bahay.
Masayang balikan ang panahong nagdaan, panahon ng maraming pagsubok, pangamba, takot, nang kapaguran sa tuwing maglilipat sa ibat ibang bahay. Noon walang katapusang paghahanap sa maraming katanungang tila walang kasagutan.
Salamat sa Panginoon, Siya ang. Gumagabay sa amin sa tuwi tuwina. Hindi ko ito narealize noon. Sa aming paglalakbay doon namin Siya natagpuan.
Magtiwala at sa Kanya umasa, Siya ang kasagutan sa Lahat ng bagay. Siya ang gagabay at magbibigay ng magandang buhay.
WALANG HANGGANG PASASALAMAT, SA IYO ANG KAPURIHAN NGAYON AT KAILANMAN. AMÈN!!!!
No comments:
Post a Comment