Tuesday, April 28, 2009

noon…..ngayon…..

Halos hatinggabi na kami nakatulog mag-asawa kagabi, paano’y napakalakas ng videoke sa kapitbahay. birthday kasi ng isang anak nila. ito ang isang trend ngayon dito sa probinsiya, kapag may okasyon kahit simpleng inuman lang, may pulutan at pansit, ayos na. ang siste, pagkalakas lakas ng tunog at okay lang kahit sintunado, hala banat ng kanta. okay na sana iyon dahil tumigil naman ng madaling araw na. pero ngayong umaga sige na naman ang kantahan at inuman. kahit nga ba lunes na ngayon. maaga pa ring nag uumpukan ang ilang kalalakihan.

ito ang isang hirap sa nagkakaedad na, hindi mo maiwasang magkumpara sa noon at ngayon. kapag nga nagkukuwentuhan kami ni willy sa balkon, nagkakatinginan na lang kami, dahil ito na nga ba ang kultura ngayon.

noon, kapag may klase, ang mga eskwela ay naglalakad patungo sa mga paaralan nila, meron paminsan minsan nakasakay sa kalesa at mangilan ngilang tricycle. ngayon halos mapuno ang kalsada ng tricycle, nasanay na ang mga bata na inihahatid na, kahit di naman kalayuan ang mga bahay nila.

noon, bihira kang makakita ng mga batang naglalaro pa kapag madilim na sa kalye. ngayon, alas dies na nagtatakbuhan pa ang mga bata, babae man o lalaki, may maliliit pa, may mga malalaki na rin. tanong nga namin, hindi kaya ito hinahanap ng mga magulang nila? nakikinig kami sa mga usapang bata habang naglalaro, nakakalungkot na pangkaraniwan na lamang sa kanila ang pagmumura.

linggo kahapon at sa aming pagsisimba, nakita namin na halos hindi na mapuno ang simbahan. karamihan ay mga dati na ring mga manang at nadagdagan pa na ilang mga nanay na sumisimba. may dalawang batang bininyagan at may mga kasamang ninong at ninang na hindi naman nag iintindi at nagkukwentuhan sa oras ng misa.

nauuso na rin dito ang mga computer shops, internet cafe. paminsan minsa, pumupunta ako doon para mag email sa anak ko (wala kasing internet sa bahay). walang oras na hindi puno ang mga ito ng mga estudyenteng naglalaro ng games. minsang makasingit ako, nabakante kasi, hindi ko matiis ang mga pagmumura nila sa tuwing may matatalo sa games. talaga namang grabe ang mga lumalabas sa mga bibig nila.

kung ganito ang kinalalakhan ng karamihan sa mga bata sa panahong kasalukuyan,(hindi ko naman nilalahat, dahil meron pa naman ding magulang na matiyaga sa pagtuturo ng kabutihang asal), paano pa ang paghubog sa kanilang mga ugali.  sa tahanan, na kung saan ang mga magulang ay maraming pinagkakaabalahan. sa paaralan, sa dami ng mga bata sa isang section, halos hindi na napag uukulan ang kabutihang asal. sa simbahan kaya na sa dami ng mga parishioners ay hindi na gaanong naaabot ang karamihan?

paano pa ang mabubuting kaugalian at kultura ng nakaraang panahon, mananatili na lang ba ito sa mga aklat .

Ang Tiangge sa Lopez

hindi ko alam kung kailan at kung paano nagsimula ang tiangge sa bayan namin. basta hanggang sa kasalukuyan patuloy na tuwing araw ng biyernes, linggo at martes ay may tiangge sa palengke. sa tatlong araw na nabanggit, pinakamaraming tinda tuwing biyernes.

tuwing uuwi kami ng lopez, isa ito sa bagay na laging ginagawa namin, ang magtiangge. totoo namang malaki ang kamurahan kung ikumpara mo sa presyo sa loob ng palengke kapag hindi tiangge. dumarayo kasi ang mga magtitinda mula sa iba ibang baryo at mga negosyante mula sa ibang bayan. pati ang mga magsasaka na may mga tanim na gulay ay nag aalok din ng paninda sa tiangge.

hindi ko maiwasang malungkot kapag namimili na akong mag isa (minsan hindi ko kasama si willy). naala ala ko na naman si nanay. palagi kaming magkasama noon sa pagtitiangge, sa kanya ko namana ang hilig dito. marami siyang alam na lutuin na hindi ko maluto, magaling din siya sa tawaran. noong kasama ko siya, kabilang sa mga binibili namin ang sikdot (isang uri ng lokal na mushroom na tumutubo sa mga sanga ng puno tuwing tag-ulan), dalungyan o kamansi, lagikway, kanas o bihod(itlog ng isda), dinailan(paborito ni coy at lottie, balaw na buo ito) at marami pang iba.

ngayon, sa tuwing uuwi kami sa lopez, lagi akong namimili sa tiangge. pinipili ko ang mga gulay at prutas na hindi kaagad masisira o mabubulok. dito na rin ako namimili ng baboy, isda at hipon. inilalagay namin sa cooler at pinupuno ng maraming yelo. mas masarap ang karneng baboy, isda at hipon na dito binili, sabihin pa na mas mura ang mga ito.

 
Designed by Lena Graphics by Elie Lash