Masaya kaming namumuhay sa aming bagong tahanan. Sa maagang paggising sa umaga, malaya akong nagpupuri sa Diyos sa asotea na katabi ng aming silid, habang naririnig ko ang mga huni ng ibon sa mga punong nasa paligid ng aming bahay. Malamig ang simoy ng hangin, kahit ang iba ay nagrereklamo sa init ng summer, siempre walang pollution dahil wala naman mga sasakyang nagdaraan, maliban na lang kung may mga ibanghomeowers na napapadaan sakay ng sariling sasakyan. Bawal kasi ang pagpasok ng tricycle dito.Wala pang gaanong lumilipat na mga kapitbahay, bagaman at halos nakatayo na ang mga ito sa aming kapaligiran. Paminsan minsan may nagdaraang nag jojogging, may mga katulong na nagpapasyal ng mga aso, mày guard na nagroroving. Maliban doon wala nang masyadong makikita. Ganito katahimik sa aming subdivision sa ngayon.
Sa gilid ng aming bahay ay may kapirasong lupa na pwedeng pagtaniman. Wala itong may ari, isa ito sa dahilan kung bakit ito ang napili ni Willy na lugar. Sinimulan niya itong taniman ng mga puno na bigay ng mga kaibigan namin na mahilig ding magtanim.
May puno ng talisay sa gilid ng bakod na halos kasing taas na ng asotea. Ito ang nagbibigay ng lilim sa aming tahanan. Sa simula masyado ang reaksyon ko na maputol na ito, ngunit nakita ko na okay din pala naman. Medyo mataas na rin ang puno ng avocado, guyabano, at mangga. May katagalan pa siguro ito bago mamunga. Sa di kalayuan ay may kamyas at papaya. Nakatikim na rin kami ng minatamis na ube at cassava cake mula sa mga tanim. Dito na rin kami namimitas ng talbos ng kamote. Ang dahon ng pandan na inilalagay sa sinaing upang bumango ay doon na rin pinipitas. Ang tanlad para sa adobong manok ay malago na rin.
Nang dumating si Sallie, lalong nadagdagan ang mga halaman. Mahilig din kasi siya sa paghahalaman. Mayroon nang ampalaya, patola, sitaw, pechay at mustasa. May mababang puno ng kalamansi na namumunga na rin. Minsan may tumubong melon at kalabasa, natikman din namin ang unang bunga, ngunit di ito nagtagal. May okra din pala at sili. Sa harapan ng bahay ay ang mga halamang namumulaklak at halamang dahon.
Puwede na akong kumatha ng awit tulad ng bahay kubo na iisa isahin ang mga halaman sa paligid.
Tulad ng lagi ng pagtatapos sa aking mga sinulat, patuloy na papuri at pasasalamat sa Panginoong siyang nagpapala at nagbibigay ng grasya sa aming munting paraiso.
Thursday, April 4, 2013
PARAISO
Subscribe to:
Posts (Atom)